Lahat ng pangyayari sa buhay natin ay may dahilan. Kapag may nakasalubong ka sa daan o kapag binati ka ng good morning ng kapitbahay mo lahat iyon ay may dahilan. Kahit yung mga masasamang pangyayari sa buhay mo may dahilan din yan.
Nagturo ako sa alternative learning system (ALS), isang sistema na nagbibigay ng pagkakataon sa mga matatanda at out of school youth na hindi nakapagtapos ng high school. Values class ang itinuturo ko sa kanila. Ginaganap ito sa loob ng aming church tuwing lunes. Mahigit 200 estudyante ang aking nakakasalamuha sa values class. Konting inspirasyon at salita ng Diyos ang ibinabahagi ko sa kanila. Isang araw, pagkatapos kong maturo ng true love waits at magpatawag ng mga batang gustong magpalinis sa Panginoon at handang tanggapin si Hesus bilang Diyos at tagapagligtas nila- may isang babae ang higit na pumukaw ng atensyon ko. Nalaman ko sa akin co-youth worker ang pangalan nya. Itatago ko sya sa pangalang 'Lyn'.
Sa aking pagsisiyasat, napag alaman kong malaki ang problem nitong si Lyn. Siya ay 18yrs old na at isang batang ina. Sa edad na 17 nagbuntis siya. Naisip kong matindi ang magiging testimony ng batang ito kapag nakakilala at lumalim ng pananampalataya sa Diyos.
Naging active sya sa pag aattend sa aming youth service. Sa kanyang pag attend mas lalo ko pang nakakwentuhan si Lyn. May sakit pala ang anak niya, G6PD. Ito ay namamanang sakit. Komplikasyon ito sa dugo kung saan kulang ang enzyme glucose-6 phosphate dehydrogenase (G6PD) na tumutulong sa red blood cells para mag function ng maayos. Maaring magtuloy ang sakit na ito sa anemia at kung ano ano pang komplikasyon sa dugo.
Dahil sa kalagayan ng anak ni Lyn, nahihirapan syang pumunta ng church. At isa pang dahilan ay ang kanyang kinakasama. Ang nobyo at tatay ng anak nya ay nananakit. Wala na akong ibang nasabi sa kanya. Ipinanalangin ko nalang sya.
Weeks later hindi na talaga nakakapunta ng church si Lyn. Tinatawagan ko sya pero laging not available ang phone nya. Mabuti nalang pumunta ang kaibigan ni Lyn sa church. Sabi ni Karen, friend ni Lyn hindi daw talaga ito makakapag church dahil hindi pinayagan ng asawa nya.
Kagabi, pagkatapos ng youth service nagpasama ako kay Karen para pumunta sa bahay ni Lyn. Nakatira sila sa slum areas. Dumaan kami sa maliit na eskinita dahil nasa dulo ang bahay nila Lyn. Medyo madilim sa ibaba, nasa taas pala ang bahay nila. Isang kwarto lang ito at maraming tulugan. Tulog na ang anak nya, at humihingi pa ng pera ang asawa nya.
Tinanong ko si Lyn kung okay lang ba sya at kung bakit nanghihingi ng pera ang asawa nya. Sabi ni Lyn kahit P20 nalang daw ang pera nya hihingiin pa ito ng asawa nya para ipangtaya sa lotto. Napailing ako sa sitwasyon ni Lyn. Sobrang kailangan niya ang Diyos sa buhay niya para maitama lahat ng maling nangyari sa kanya. Pagkatapos ko syang ipanalangin sinabi ko sa kanyang ipapanalangin ko din ang asawa niya. Mabilis na tumanggi si Lyn, baka daw kasi magalit ang asawa nya at baka pag alis ko daw ay saktan sya nito. Nag rebuke ako sa isip. Ngumiti ako at sinabing walang matigas na tinapay sa Diyos. Tiwala lang, ipag-pe-pray ko lang naman sya.
Dumating ang asawa niya, sabi nito sa akin "kilala kita! kapit-bahay nga kita dati eh!"
Nagulat ako sa sinabi nya. Di ko matandaan kung sino sya. Sumagot ako at nagtanong "Sino ka ba? Saan kita naging kapitbahay?"
Sabi nya, "Kababata mo ako, si Puroy!"
That moment, sobrang namangha ako sa kilos ng Diyos. Sinong mag aakala na ang kinakasama ni Lyn ay dati ko palang kalaro noong bata. Nakita ko ang pagkagulat sa mukha ni Karen at Lyn. Di rin sila makapaniwala. Success! Naipanalangin ko si Puroy, wala siyang ligtas sa pag-ibig at kabaitan ng Diyos. Di ko na din pinalagpas ang pagkakataon at ipinalangin ko din ang mga magulang ni Lyn.
Sa aming paglalakad, sinabi ko sa kanya na hindi aksidente ang lahat ng nangyari. May purpose ang Diyos at naniniwala akong God is moving to change her life.
Ikaw na bumabasa nito ngayon, maniwala ka! God is moving also in your life. He's never late nor too soon. His timing is always perfect! God bless you!