Sa gitna ng malalim na gabi, heto ako gising na gising pa. Malikot ang mga mata, nagmamasid sa apat na sulok ng silid. Nagmumuni-muni. Delikado, seryoso, ang gulo. Ano bang mayroon sa isip ko? Isa lang ang malinaw. Ayaw ko pa mahimbing. Kasing lalim ng kalangitan ang aking damdamin. Di mawari anong mayroon. Problema na hindi matanto, unti-unting inuungkat ang bagay na pinaghuhugutan nito. Malabo, delikado. Ayoko na bumalik sa nakaraan, bakas ang takot sa bawat panginginig ng kamay, pagpikit ng singkit at namumulang mata. Ayaw nang alalahanin pa......
Alam ko ang sagot, pero bakit hindi maabot. SIYA! SIYA nga! SIYA nga! Sigaw ng aking kabuuan. Nanginginig ang buong katawan sa napagtanto kung ano o sino ang gamot sa nadarama. Pero, ano ito? Bakit may tila bagay na gumagapos ng mahigpit sa aking mga braso, sabay ang pag akyat at pagbaba ng pwersa na bumabalot sa aking katawan. Hinahatak ako malayo sa kanya! Tila naging isang parang ang maliit na silid, ngunit hindi ito katulad ng isang bukid at maaliwalas na lugar. Madilim ito at malamig, sa di kalayuan ay may liwanag. Doon Siya, naghihintay, inaabot ang kamay. Bumibilis ang tibok ng aking puso! Tila ba hinahanap ng bawat pintig ang Siyang nandoon sa liwanag. Gusto kong lumapit at puntahan ito. Gustong gusto ko! Magulo na tahimik ang lugar. Malamig, ayoko sa lamig. Takot ako sa lamig. Habang pinipilit ng mga paa na lumapit sa Kanya, bumakat sa paningin ang nakaraang ayoko nang balikan! Umatras pabalik ang kaliwang paa. Nanginginig ngunit nais talaga ng aking kabuuan na lapitan ang liwanag at Siyang naroon. Unti-unting may gumuhit na matinding sakit mula sa bunbunan papuntang sentido. Matindi ang sakit, hindi ko makayanan. Bumabalik ang bawat kasalanan na aking nagawa. Karumihan na nagpababa sa akin. Mga sikretong ayaw na mabuksan pa, baho ng aking pagkatao. Bawat alaala ay masakit, lalong tumutindi. Sasabog na ata ang ulo sa sobrang sakit, nanunuot lahat ng nakaraan, pinipilas ang puso. Bumabagal ang tibok.
Gusto ko nang mawalan ng malay upang matakasan ang sakit. Pilit na ipinikit ang lumuluhang mga mata. Mahapdi ngunit kailangan upang ang sakit ay maibsan. Sa mabagal na tibok ng puso'y naroon pa din ang pagsusumikap na puntahan Siya. Isip pa din ang buhay. Hindi maibukas ang mga labi. Kahit ang dila ay tila nawalang ng kakayahang magsalita. Puso'y nagpupumiglas mula sa sakit at nais takbuhin Siya.
Bumibilis muli ang tibok, nababawasan ang sakit. Nakatuon lang ang aking paningin sa Kanya. Mula sa liwanag ay may kislap pagkabilis-bilis. KIDLAT! Ayoko ng kidlat. Takot ako dito. May pwersa nanaman na pilit akong ibinabalik sa aking kinalagyan. Ibinigay ang aking buong lakas upang lumaban. Pilit na inihakbang ang mabibigat na mga paa. Pilit na itinataas ang kamay sa Kanya. "Abutin mo ako! Tulungan mo ako! Hindi ko na kaya! Kailangan kita! IKAW IKAW IKAW!" pagkabigkas ay tuluyan nang nawalan ng lakas at tuluyang bumigay...................... talo na ako.... "HINDI!" Isang tinig na hindi sa akin. Tinig na nagbigay ng muling pagtibok ng aking puso. Isang tinig na nag bigay buhay sa akin. Hinawakan Niya ako, kinuha mula sa madilim at malamig na lugar na iyon. Dama ko ang Kanyang init. Init na kailanman hindi ko naramdaman. Binigyan ako nito ng kapahingahan. Ang sarap sa piling Niya. Ayoko nang umalis, ayoko nang iwan Siya. Sabit ito sa isipan, sabay ang pikit ng mga mata.
Mainit, tahimik at maaliwalas ang pakiramdam. Kakaiba ito. Mga matay minulat mula sa pagkakahimbing, heto na muli ako sa aking silid. Ngunit may kakaiba, naroon pa din ang presensya Niya. Napagtanto kong nakahimlay pala ang aking ulo sa kanyang hita. Isang ngiti ang aking nasilayan sa kanya. Tumibok ng mabilis ang aking puso. Galak at matinding kasiyahan ang naramdaman sa pagsilay nito. May butil ng luha sa aking mga mata, hindi ito mapigilan. Kasiyahan ang nadarama, wala na ang bakas ng nakaraan, walang ano mang kahihiyan o pagkahiya. Tanging Pag-ibig lang ang ikinukubli ng kaloob-looban ng puso. "Salamat at patawad" ang tanging nasabi at patuloy sa pag hikbi. Pinunasan Niya ang mga luha. Ngumiti muli at akong hinagkan.
Nawala ang mga bahid ng karumihan ang kadiliman sa kaloob-looban. Mga takot, galit, hiya na ikinubli sa matagal ng panahon nawala sa Kanyang pagyakap, sa Kanyang Pagmamahal. Iniligtas Niya ako mula sa gitna ng kadiliman. Minahal Niya ako sa kabila ng lahat lahat ng aking madumi at kasuklamsuklam na nakaraan. Nadama ko ang kapanatagan sa piling Niya, walang hanggang pagmamahal, walang hanggang kasiyahan.
Ang Aking Nag-iisang TAGAPAGLIGTAS AY SIYAhweh.
Ayos ah... parang na-experience ang hell sa personal life na naging heaven because of Forgiveness - pbr
ReplyDelete